Nagpatupad ng moratorium ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ginagawa nitong paghuhukay sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Acting Chairperson, Atty. Romando Artes, bahagi ito ng kanilang plano para maibsan ang masikip na daloy ng trapiko ngayong panahon ng kapaskuhan.
Ibig sabihin, suspendido muna pansamantala ang mga paghuhukay na ginagawa ng maintenance team ng MMDA sa mga kalsada sa Metro Manila, kasama na ang mga minor repairs.
Gayonpaman, hindi nito sasaklawin ang mga big ticket projects ng pamahalaan.
Kinabibilangan ito ng mga flood control projects, construction ng mga tulay, reblocking, pagsasaayos sa mga bangketa, at maging ang asphalt overlay.
Hindi rin kasama sa naturang moratorium ang pag-alis sa mga nakabarang basura sa mga kanal, pagpapalit ng mga tubo ng tubig, at mga footbridge projects sa ibat ibang bahagi ng kamaynilaan.
Samantala, tiniyak naman ni Chairman Artes na hindi maaapektuhan ang mga isinasagawang regular maintenance sa mga linya ng kuryente, pagkakabit ng mga bagong linya, at paglalagay ng mga traffic signal.