-- Advertisements --

Inilabas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang traffic management plan, kabilang ang mga alternatibong ruta, para sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 24.

Sinabi ni MMDA acting chairman Romando Artes na 1,354 na tauhan ang itatalaga para mamahala ng vehicular at pedestrian traffic at tutulong sa pagtugon sa emergency incidents.

Gayundin na magsagawa ng mga operasyon sa paglilinis ng kalsada at bangketa, tutulong sa crowd control at susuportahan ang mga operasyon ng Task Force sa pagtiyak ng isang mapayapa at maayos na Sona.

Aniya, puspusan na ang paghahanda para matiyak na magiging maayos ang trapiko sa Commonwealth Avenue, IBP Road, at lahat ng iba pang mga lansangan na nakapalibot sa House of Representatives.

Dagdag dito, ang mga aktibidad na may kinalaman sa Sona pati na ang mga transport strike ay susubaybayan sa bagong pinasinayaan na MMDA Communications and Command Center.

Ipatutupad din ang “no day off, no absent” policy sa mga tauhan ng MMDA sa Hulyo 24.

Una nang sinabi ni Artes na magpapatupad ang MMDA ng zipper lane o counterflow sa southbound portions ng Commonwealth Avenue sa Quezon City para bigyang-daan ang mga sasakyan ng mga opisyal ng gobyerno at mga bisitang pupunta sa Batasang Pambansa Complex, kung saan matatagpuan ang House of Representatives para dumalo sa Sona.