-- Advertisements --

Mayroong kakaibang parusa ang nais ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ipataw sa mga maarestong nagtatapon ng kanilang basura sa hindi tamang lugar.

Ayon kay MMDA chairman Benhur Abalos na nais niyang ipanukala sa mga local government units na imbes na pagmultahan ang mga naarestong nagtatapon ng kanilang mga basura ay dapat na sila ay paglinisin na lamang ng mga estero at mga kanal.

Dagdag pa ng MMDA chair na sa ganitong paraan aniya ay para maramdaman ng ilang tao kung gaano nagiging mahirap ang magtanggal ng mga basurang bumara sa iba’t-ibang estero.

Sa mga susunod na araw aniya ay magpapakalat ang mga ito ng marshals na sisita at huhuli sa mga lalabag.

Magugunitang ang pagbara ng mga basura sa iba’t-ibang drainage at estero ang kabilang sa dahilan sa pagbaha sa malaking bahagi ng Metro Manila.