-- Advertisements --

Inatasan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes ang agarang pagto-tow at pagbibigay ng ticket sa mga sasakyang iligal na nakaparada sa kahabaan ng EDSA White Plains Avenue kasabay ng isinagawang malawakang protesta ng Iglesia ni Cristo (INC) malapit sa EDSA People Power Monument nitong Martes, Hunyo 30.

Ayon sa MMDA, isasagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) upang mapanatili ang kaayusan at mabawasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.

Inihayag din ng ahensya na naka-activate na ang kanilang Emergency Operations Center (EOC) upang matiyak ang mabilis na koordinasyon at pagtugon sa anumang sitwasyong may kaugnayan sa pagtitipon.

Bukod sa EDSA, mahigpit ding binabantayan ng MMDA ang sitwasyon sa Liwasang Bonifacio sa Maynila bilang bahagi ng kanilang traffic at public safety monitoring.

Nag-preposition na rin ang ahensya ng mga sasakyan na maaaring gamitin sa pagsasakay ng mga pasaherong maaapektuhan ng malawakang pagtitipon at posibleng pagsikip ng trapiko.

Samantala, kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) na nananatiling normal ang operasyon ng mga istasyon ng EDSA Busway sa kabila ng mabagal na daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng EDSA.