-- Advertisements --

Magpapakalat ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mas marami pang personnel sa mga lugar na saklaw ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) kasunod ng issuance ng Korte Suprema ng temporary restraining order sa implementasyon nito.

Ayon kay MMDA spokesperson Crisanto Saruca Jr., ang mga idedeploy na karagdagang personnel ay magpapatupad ng traffic management partikular na sa EDSA, C5, Commonwealth, Quezon Avenue, Roxas Boulevard, at Macapagal Boulevard.

Kokonsulta din aniya ang MMDA sa Office of the Solicitor General (OSG) kung maaari silang mag-intervene sa petisyon laban sa NCAP kung saan pending ang final resolution mula sa Supreme Court.

Magugunita na kahapon inisyu ng kataas-taasang hukuman ang TRO sa NCAP matapos na ilang transport groups ang naghain ng petisyon laban sa local ordinances may kinalaman sa NCAP sa Manila, QC, Valenzuela, Muntinlupa at Parañaque.

Sa kabila naman ng TRO, nanawagan ang MMDA official sa mga motorista na manatiling disiplinado sa pagsunod sa traffic rules.

Samantala, ayon kay Saruca mayroon ng 107,000 violations ang naitala sa ilalim ng NCAP mula noong Enero hanggang August 24 ng kasalukuyang taon.

Karamihan sa mga paglabag ay may kinalaman sa hindi pagsunod sa traffic signs, number coding, loading at unloading zones.