Hindi kailangang magtalaga pa ng traffic czar na mamamahala sa traffic situation sa Metro Manila ayon sa isang opisyal mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ipinaliwanag ni MMDA Undersecretary Procopio Lipana patuloy naman ang isinasagawang pag-aaral ng transportation agencies para masolusyunan ang walang katapusang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Inamin naman ng opisyal na isa sa pangunahing problema ay ang kakulangan ng mga imprastruktura kumapara sa dami ng mga sasakyang bumabaybay sa buong rehiyon.
Naniniwala din ang MMDA official na sa oras na makumpleto na ang malalaking public transport projects sa bansa, makakaasa ang mga mananakay na mapapagaan ang kanilang pang-araw araw na pagko-commute.
Makikipag-ugnayan din ang MMDA sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon at aatasan ang mga ito na imonitor ang kani-kanilang kakalsadahan.
Matatandaan, una ng inirekomenda ng Management Assiciation of the Philippines na magtalaga ng czar na tututok sa tinawag nitong traffic crisis sa National Capital Region.