Hindi na ikinagulat pa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang matinding trapiko na sumalubong sa unang araw ng toll collection sa Skyway Stage 3 kahapon.
Ayon kay MMDA chief Bong Nebrija, inasahan na rin kasi nila ang mahabang pila ng mga sasakyan bago pa man ipinatupad ang pagsingil ng toll sa Skyway Stage 3 project.
Para kay Nebrija, “birth pains” lamang ito kaya naiintindihan aniya nila ang sitwasyon kahapon.
Gayunman, umaasa sila na bubuti ang sitwasyon sa mga susunod na araw.
Sinabi ni Nebrija na kaya humaba ang pila ng mga sasakyan dahil maraming mga motorista ang walang RFID stickers o walang load para makapasok sa toll plazas na walang nakahandang U-turn slots.
Dahil dito, nag-spillover ang trapiko sa iba pang mga kalsada sa Metro Manila.
Magugunita na halos pitong buwan ding hindi naningil ng toll ang San Miguel Corporation sa mga motoristang gumagamit ng 18-kilometro na Skyway Stage 3.