Humingi ng paumanhin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kay Sen Ramon Revilla, Jr. matapos madala ang kanyang pangalan sa kontrobersya sa gitna ng mahigpit na pagpapatupad ng patakaran na nagbabawal sa mga hindi awtorisadong sasakyan na bumabyahe sa EDSA Bus Lane.
Sinabi ng MMDA na iniimbestigahan na ngayon kung paano lumabas ang pangalan ni Revilla nang i-flag ng mga enforcer nito ang isang sasakyan na ilegal na gumamit sa EDSA Bus Lane.
Batay sa CCTV footage ng MMDA, ang plaka ng naka-flag down na sasakyan ay protocol plate, at sinisiyasat na kung bakit ang pangalan ng Senador ay nasangkot sa usapin.
Nauna nang itinanggi ni Revilla na pag-aari niya ang sasakyan na naka-flag down sa EDSA Bus Lane, at idinagdag na hindi siya regular na bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA.
Ayon kay Revilla, ang kanyang pang-araw araw na ruta ay mula sa South patungong Senado kaya walang posibilidad na makapunta aniya ito sa EDSA.
Una na rito, nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang MMDA kung paano nadawit ang pangalan ng mambabatas ukol sa mga lumalabag at dumadaan na hindi awtorisado sa EDSA Bus lane.