Humingi ng pasensya ang Metropolitan Manila Development Authority kay former Ako-bicol-party-list representative Christopher Co at Senator Bong Revilla matapos madawit ang pangalan ng mga ito sa EDSA bus lane violation.
Aminado si MMDA Chairman Romando Artes na hindi napatunayan ni suspended Task Force Special Operations chief Bong Nebrija na ang sasakyan na naiulat na gumamit ng EDSA Bus Lane ay pagmamay-ari ni Co bago pa man naisiwalat ang impormasyon sa publiko.
Ani Artes, kahit pa naka-issue sa pangalan ni Co ang protocol plate, hindi umano ito sasakyan at driver ng dating kongresista.
Dagdag pa ni Artes, kahit pa totoong nahuli ang dating kongresista, hindi pa rin daw dapat isiniwalat ni Nebrija ang pangalan ni Co pati na rin ni Senator Bong Revilla dahil ito ay paglabag sa Data Privacy Act.
Nilinaw din ni Artes na hindi tama ang binanggit ni Nebrija na may discretion ang MMDA kung sino ang huhulihin at kung may sakay na VIP, Congressman o Senador ay papalagpasin.
Wala aniya silang ganong pulisiya. Istrikto umano nilang sinusunod ang kanilang listahan. Batay sa inilabas na listahan department of transportation, ang pinapayagan lang gumamit ng bus lane ay ang mga bus, emergency vehicles, at ang mga kabilang sa construction ng bus carousel, exempted naman umano ang convoy ng presidente, bise presidente, house speaker at senate president at chief justice ng korte suprema.
Kasabay nito, binigyang diin ni Artes na hindi na pwedeng gumamit ng naturang bus lane ang cleary marked government vehicle. Pagtiyak ni Artes, patuloy ang kanilang imbestigasyon ngayon laban kay Nebrija at binigyang diin na hindi mapipilay ang trabaho ng MMDA dahil sa pagkasuspinde ni Nebrija.