Umapela si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III sa mga raliyista na ikonsidera at unahin ang kapakanan ng nakararami, sa gitna ng malawakang pagtitipon sa EDSA.
Ngayong araw, nagsagawa ang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo ng rally sa naturang lansangan na dinaluhan ng libo-libong kasapi, bilang pagpapakita ng suporta kay Senador Rodante Marcoleta kaugnay ng plano ng Ombudsman na magsampa ng kaso laban sa kaniya.
Ayon kay GM Torre III, dapat manaig ang common good, lalo na’t direktang naaapektuhan ang trapiko sa pangunahing highway, pati na rin ang operasyon ng mga negosyong naapektuhan ng biglaang pagtitipon.
Giit ni Torre, agad nag-deploy ang MMDA ng karagdagang traffic enforcers, kasama ang mga pulis, matapos bumigat at halos huminto ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.
Umabot pa aniya hanggang Makati City ang buntot ng trapiko sa northbound lane ng EDSA, habang sa southbound naman ay umabot na hanggang Timog Avenue, Quezon City.
Muli ring umapela ang dating Philippine National Police (PNP) chief sa mga raliyista na maging mahinahon sa pagpapahayag ng saloobin at sa mga gagawing aksyon.
















