-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkadismaya si MMDA General Manager Nicholas Torre III hinggil sa patuloy na pagbaha sa Davao City, partikular sa NHA Bangkal, Brgy. Talomo kung saan siya mismo ay may sariling bahay at naninirahan ang kanyang kapatid.

Ayon kay Torre, bagama’t sinasabi ng ilan na normal ang pagbaha dahil sa mountain runoff at catch basin ang Davao, hindi naman umano bago ang bundok at hindi rin bago ang malalakas na ulan.

Binigyang-diin niya na bilyon-bilyong piso ang ginagastos para sa flood control projects, na ang layunin ay hindi pigilan ang ulan kundi tiyakin na hindi papasok ang baha sa mga bahay ng tao.

Kaya’t kanyang tanong, kung patuloy pa ring pumapasok ang baha sa mga tahanan, gumagana ba talaga ang sistema ng flood control.

Dagdag pa ni Torre, bilang residente ng Davao, hindi siya naghahanap ng palusot kundi resulta, dahil ang tunay na sukatan ng flood control ay kung gaano karaming bahay ang hindi na pinapasok ng baha.