-- Advertisements --

Hinarang umano ng mga kapulisan ang mga miyembro ng ilang grupo mula sa Laguna, Batangas, at Cavite na dadalo sana sa programang gaganapin sa EDSA Shrine para gunitain ang ika-38 na anibersaryo ng People Power Revolution na nagpatalsik kay dating pangulong Ferdinand Marcos, Sr.

Sa online live ng spokesperson ng Defend Southern Tagalog na si Charm Maranan, sinabi nito na hinarang umano sila ng mga pulis sa harap ng munisipyo ng Los Banos, Laguna.

Sinubukan daw ng kanilang grupo na makipag-usap sa mga pulis para malaman kung ano ang kanilang violation subalit hindi umano sila kinakausap ng mga ito. 

Dahil dito, sa labas na lamang ng munisipyo gumawa ng programa ang grupo, ngunit binastos umano sila ng mga kapulisan matapos itong magpatunog ng wangwang.

Dagdag pa ni Maranan, dismayado sila sa nangyari lalo na at araw daw ito ng komemorasyon ng EDSA na dapat daw ay selebrasyon ng demokrasya. Ang nangyari umano sa kanila ay patunay na kahit 38 taon na ang nakalilipas, patuloy pa ring ginigipit ang kalayaan ng mga tao. 

Naniniwala ang grupo na hindi pa rin natatamasa ng bansa ang tunay na demokrasya sapagkat sa simpleng kagustuhan lamang daw nilang makapunta sa Maynila at makapagdaos ng programa ay ipinagkakait pa umano sa kanila.