ROXAS CITY – Pinagsasaksak ng 54-anyos na mister ang sariling misis sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Loctugan, Roxas City bago sinaksak ang sarili.

Kritikal ngayon sa ospital ang biktima na si Olivia Berbaño matapos nagtamo ng tatlong saksak sa katawan kasunod ng pananaksak sa kanya ng mister na si Rey Berbaño, isang fish vendor.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na ikinagalit ng suspek ang hindi pagpapasok sa kanya ng misis sa kanilang bahay sa kabila na gusto nitong pumasok.

Dahil dito ay pwersahang giniba ni Rey ang kanilang pintuan at nang makapasok ay biglang sinaksak ang asawang si Olivia.

Sa kabila ng natamong sugat ay nakalabas pa ng bahay ang biktima at humingi ng tulong sa mga kapitbahay na nagdala sa kanya sa pagamutan.

Samantala nadatnan naman ng mga pulis sa silid ang duguang suspek na may sugat sa katawan.

Kaagad rin na dinala sa pagamutan ang mister na pinaniniwalaang sinaksak ang sarili matapos pagsasaksakin ang asawa.