VIGAN CITY – Nagbigti- patay sa Barangay Salvador 2nd, Candon City, Ilocos Sur ang isang lalaki matapos pinaniniwalaang mapatay sa saksak ang asawa nito.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nakilala ang mga biktima na si Raymund Ganacias Soriano, 35-anyos na isang mangingisda at Bernadet Gampew Soriano, 36-anyos na kapwa residente ng Barangay Salvador 2nd, Candon City, Ilocos Sur.

Base sa inisyal na pagsisiyasat ng mga otoridad, nagtungo umano si Raymund sa bahay nina Melanie Gabayan sa nasabi ring lugar upang manghiram ng kutsilyo at saka ito kaagad na umuwi sa kanilang bahay.

Pagkatapos ng ilang minuto, narinig na ni Gabayan ng sunod-sunod na sigaw ni Bernadet na animo’y nagpapasaklolo at ang sigaw ni Raymond na galit na galit.

Nang lumapit umano ito sa bahay ng mag-asawa, nakita niyang pinagsasaksak na ni Raymond ang kaniyang asawa kaya kaagad na humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay si Gabayan.

Ngunit, nang makarating na sa bahay ng mag-asawa ang mga ito, nakita na lamang nila ang nakahandusay na katawan ni Bernadet na puno ng saksak at naliligo na sa sariling dugo at nakabigti na gamit ang nylon cord si Raymond.

Kapuwa naitakbo sa Candon General Hospital ang mag-asawa ngunit naideklera ang mga itong dead on arrival.