ILOILO CITY – Labis-labis ang pasasalamat ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo sa naging mainit na pagtanggap ng mga Ilonggo sa kanyang homecoming sa Lungsod ng Iloilo.
Ito ang ibinahagi ni Rabiya kasabay ng kanyang pagtupad sa pangako na bibisita sa flagship station ng Bombo Radyo Philippines.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Rabiya, sinabi nito na nakakataba ng puso na marining na sinisigaw ng mga Ilonggo ang kanyang pangalan kasabay ng mga ngiti sa kanilang mga labi.
Naalala rin daw ng Ilongga beauty queen ang kanyang yumaong lola sa mukha ng mga nanay at lola na kumakaway sa kanyang motorcade na kung buhay pa aniya ay tiyak na ipagmamalaki siya.
Itinuturing naman na pinaka-hindi makakalimutang kaarawan ni Rabiya ang kanyang 24th birthday sa Iloilo.
Ayon sa half Indian beauty, kung dati ay hindi siya makakabili ng cake dahil sa hirap ng buhay, ngayon, sobrang dami na nito pati regalo na natanggap at halos buong Pilipinas ay nagdidiwang.
Samantala, idinaan ni Rabiya sa Bombo Radyo ang panawagan upang humingi ng tulong para sa mga nasalanta ng bagyo sa Luzon.
Ayon kay Rabiya, sa mga nais magbahagi ng tulong, maaring bumisita sa kanyang Facebook at Instagram account.