BACOLOD CITY – Excited na ang mga Pinoy na ipakita ang kanilang suporta sa kandidata ng Pilipinas sa Miss Universe coronation night na gaganapin sa Disyembre 9 ng umaga, oras sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa international fashion designer na si Kirsten Regalado, kinumpirma nitong fully-booked na ang Atlanta Marriott Marquis na kanyang tinutuluyan at doon din naka-check in ang mga kandidata ng 68th Miss Universe.

Ayon kay Regalado, sa parehong hotel din gaganapin ang preliminaries ng prestihiyosong pageant simula bukas hanggang sa Linggo kagaya ng national costume.

Sa Linggo ng gabi, isang dinner ang inihanda para sa mga kandidata kung saan imbitado rin si Regalado na siyang nagbihis sa limang contenders.

Sa Disyembre 9 naman, lilipat na ang mga ito sa Tyler Perry Studios kung saan pipiliin ang papasahan ni reigning Miss Universe Catriona Gray ng korona.

Bilang kauna-unahang Pinay na nagdisenyo ng damit ng limang Miss Universe candidates, may pagkakataon si Regalado na magpa-picture kay Gray at sa kokoronahang kandidata.

Sa ngayon ayon sa Negrense designer, nagsidatingan na sa Atlanta ang mga Pinoy na susuporta sa pambato ng Pilipinas na si Gazini Ganados.

Pahirapan naman aniya ang pagbili ng ticket papasok sa Tyler Perry Studios dahil sa dami ng mga nais manood ng coronation night.