-- Advertisements --

Nanguna ang mga pambato ng Quezon Province, Agusan del Sur, at Albay sa idinaos na virtual talent competiition na bahagi ng pre-pageant activities ng 2020 Miss Earth Philippines.

Ito’y matapos pawang gold medalist ang mga kandidata mula sa mga nabanggit na lalawigan sa singing, dance, at creative category ng talent showdown.

Nabatid na marami pang aktibidad para sa Miss Earth Philippines candidates, bago ang coronation ceremony sa darating na July 1 o 2, na gaganapin din sa pamamagitan lamang ng online bunsod ng pag-iingat laban sa coronavirus pandemic sa bansa.

Sunod na magpapatalbugan ang mga contender sa fashion competitions kabilang ang long gown sa June 9, beachwear sa June 11, sportswear sa June 16, at casual wear sa June 18.

Kaabang-abang din ang “Figure, Form, and Poise” sa June 6, habang ang “Beauty of Face” sa darating na June 13.

Sasabak naman sila sa “Intelligence and Environmental Awareness” sa June 20.

Samantala, sa online na lamang din ipapahayag ni reigning Miss Philippines Earth Janelle Tee ang kanyang farewell message.

Kung maaalala, bigo si Tee na maibigay sa bansa ang panglimang Miss Earth title pero kung saan nakapasok lamang ito hanggang Top 20.