KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pamamaril-patay sa misis ng isang pulis sa bayan ng Parang, Maguindanao.

-- Advertisement --

Kinilala ng Parang PNP ang biktima na si Amalia Morakib Diron, 40, residente ng Sitio Ahli-Sonah, Barangay Poblacion Uno ng naturang bayan.

Ayon sa pulisya, nagbabantay ng kanyang panindang ukay-ukay ang biktima nang lapitan ng suspek at binaril sa Parang Public Market, Barangay Poblacion.

Nagtamo ng tatlong tama ng bala sa ulo si Diron na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Samantala, patay rin ang limang taong gulang na si Althea Dimaampao Taup ng Barangay Poblacion Dos, Parang na binaril din ng suspek matapos nitong masaksihan ang insidente.

Sa ngayon ay patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng suspek at kung ano ang motibo nito sa pamamaril sa naturang ginang.