KORONADAL CITY – Punuan na ngayon ang sikat na mga tourist destinations sa probinsiya ng South Cotabato kasabay ng obserbasyon ng Semana Santa.
Napag-alamang dahil sa over crowded na mga beach resorts sa bahagi ng General Santos City at Sarangani Province kayat mas pinili ng ibang mga turista na pumunta sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato kung saan makikita ang kilalang Seven Falls Zipline na pinakamataas sa Southeast Asia.
Kaugnay nito, sa bayan ng T’boli, South Cotabato, dinadagsa din ng local at foreign tourists ang Bakngeb cave kung saan nagsasagawa ng river rafting, pati na ang Hidak falls at hot springs na makikita sa Brgy. Lamhako at Brgy. Kematu.
Samantala fully booked na rin ang Majestic Lake Holon sa Brgy. Salacafe, T’boli at daan-daang trekkers ang nagsimula na sa kanilang pag-akyat sa bundok upang masaksihan ang ganda nito at makapagnilay-nilay.
Ayon kay T’boli South Cotabato Tourism Officer Rodel Hillado, kasabay ng holy week, kagaya ng Station of the Cross sa iba’t ibang mga lugar may isasagawa ring Station of the Guardians sa tuktok ng Lake Holon at magsasagawa rin doon ng bible sharing at devotional mass ang mga trekkers.