CAGAYAN DE ORO CITY – Nakatakdang isasailalim na rin sa state of calamity ang buong Misamis Oriental dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng sakit na dengue ngayong taon.
Ito’y matapos pumapang-apat ang lalawigan sa buong bansa na mayroong pinakamataas na bilang ng mga tao na dinapuan ng dengue na umaabot sa 2,853 kung saan 15 rito ay kumpirmado nang nasawi.
Ayon kay Misamis Oriental Provincial board member Gerardo Sabal III, vice chairman sa health committee ng Sangguniang Panlalawigan, isang resolusyon ang ipinadala nila kay Governor Bambi Emano ukol sa usapin.
Layunin aniya nito na mabigyan ng sapat na pondo ang mga bayan upang epektibo na malabanan ang paglobo ng kaso.
Batay sa data ng Department of Health-10, sumunod ang Misamis Oriental sa Bukidnon na mayroong 7,120 na kaso bagama’t siyam lamang ang tuluyang binawian ng buhay.
Nangunguna pa rin sa rehiyon ang Lanao del Norte na mayroong 17 na fatalities mula sa kanilang 2,514 na mga kaso simula Enero 1 hanggang Agosto 17.
Kaugnay nito, ngayong araw ay sisimulan rin ng local government unit ng Cagayan de Oro City ang citywide clean up drive sa 80 barangay upang mapuksa ang pinupugaran ng mga lamok na nagdadala ng dengue.
Mismo sa Cagayan de Oro City ay nagtala ng 1,978 na dengue cases kung saan marami na rin ang namatay.
‘