-- Advertisements --

Suportado ng minorya sa Kamara ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdaos ng special session ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19.

Ayon kay House Minority Leader Bienvenido Abante Jr., kalakip nang pag-obliga sa publiko na manatili sa kanikanilang bahay ay paghahanap naman ng gobyerno nang paraan sa kung paano maalagaan ang mga ito, lalo na ang mga mahihirap at nakatatanda, sa gitna ng banta ng nakababahalang sakit.

Mahalaga aniya na maramdaman ng taumbayan na nasa likod nila ang pamahalaan sa sitwasyon na ito sa pamamagitan nang pagsagot sa gastos mula sa testing, pagbili ng mga gamot at pagpapa-ospital.

Bukod dito, sinabi ni Abante na mahalaga ring maglaan ang Kongreso ng pondo para sa mga manggagawang “no work, no pay.”

Maari aniyang ikonsidera ang rekomendasyon ni Assistant Minority Leader Rep. Stella Quimbo na P65 billion budget allocation para sa 6.9 million “no work, no pay” employees sa bansa na tataanggap ng P9,420 bawat isa sa loob ng 23 araw.