-- Advertisements --

Tiniyak ni House Deputy Minority Leader Bernadette Herrera na dadaan sa butas ng karayom ang proposed 2023 national budget at bubusisiin ng Minorya sa Kamara.

Kaninang umaga naisumite na ng ehekutibo, sa pangunguna ng DBM ang panukalang P5.268 Trillion na pambansang pondo para sa susunod na taon sa liderato ng Kamara sa pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez.

Ngayong natanggap na ng Kamara ang kopya ng 2023 national expenditure program magtatalaga na si Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan ang mga ahensya na tututukan ng 25-member minority bloc.

Umapela rin si Herrera sa majority bloc na bigyan ng sapat na pagkakataon ang minorya na makapagtanong at himayin ng mabuti ang budget.

Isa sa mga partikular na tututukan ng Bagong Henerasyon party-list solon ay ang absorptive capacity ng ahensya o yung paraan ng paggastos nito sa inilaang pondo.

Hindi rin aniya palalagpasin ng minorya ang mga ahensya ng gobyerno na pinuna ng Commission on Audit (COA) sa Kanilang audit reports.