-- Advertisements --

Ayon kay minority leader marcelino “nonoy” libanan, nagpulong na sila sa minority bloc at nagkaisa na magiging isang ‘responsible minority’ pagsapit ng budget deliberations.

Bahagi nito ang pagkakaroon ng makabuluhan at hindi paulit-ulit na mga tanong pagdating sa pagbusisi sa budget.

Bagamat 25 lamang aniya sila sa minorya at halos 80 ahensya ang kailangan nilang busisiin ang budget ay magdodoble kayod sila.
Oras naman na matanggap ang kopya ng 2023 national expenditure program ay saka aniya sila maghahati sa kung anong mga ahensya ang tututukan ng mga miyembro.

Hindi rin isinasantabi ni libanan ang posibilidad na magkaroon ng hiwalay na budget briefing ang ilang mga ahensya para sa minority bloc.

Samantala, kinumpirma ng ilan sa vice chair ng Committee on Appropriations na nagsasagawa na sila ng pre-budget briefings.

Ito ay habang hinihintay pa ang pagsusumite ng ehekutibo ng 2023 National Expenditure Program (NEP).

Ayon kina Appropriation vice chairs Angelica Natasha Co at Bienvenido Abante, inisyatibo ito ng house leadership at ng komite upang mapabilis ang proseso ng pagtalakay sa panukalang pambansang pondo.

Ayon kay Rep Co, ay nagawa na nilang makapagtanong at mag-komento sa mga ahensya tungkol sa kanilang mga programa.

Inaasahan naman ni Abante na sa ikinasang “meet-and-greet” ng mga mambabatas sa mga ahensya ng pamahalaan ay matutukoy nila kung paano pang mas mapagsisilbihan ang kanilang mga constituents.

Dagdap pa ng Manila solon na ang pagtalakay sa budget ay isang collaborative process sa pagitan ng lehislatura at ehekutibo.