Tiniyak ng Apex Mining Co. Inc. na tutulong ito sa pag-relocate sa mga residenteng biktima ng pagguho ng lupa sa Barangay Masara, Maco, Davao de Oro.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Apex Mining Co. Inc., assistant vice president for corporate affairs and communication Teresa Pacis na nag-alok ang kanilang kumpanya ng dalawang ektaryang property nito sa labas ng mining contract area sa Barangay Malamodao, Maco para magsilbing relocation site para sa mga biktima ng naturang trahedya.
Aniya, kasalukuyan nang isinasailalim sa kaukulang assessment ng lokal na pamahalaan at concerned agencies ang naturang lugar upang alamin kung naaangkop ba ito para gawing temporary relocation area.
Samantala, bukod dito ay nagpahayag din ang naturang mining firm na tumulong sa iba pang mga relocation initiatives ng mga apektadong komunidad.
Kung maaalala, batay sa datos na inilabas ng Municipal Social Welfare and Development Office ng Maco, nasa halos 5,000 indibidwal ang kasaalukuyang nanunuluyan ngayon sa 10 eskwelahan na nagsisilbing evacuation centers sa Mawab, Davao de Oro.
Ang mga ito ay pawang kinakailangan na agad na makalipat sa mga temporary relocation sites sa kadahilanang batay sa umiiral na polisiya ng Department of Education na hanggang 15 araw lamang maaaring gamitin ang mga paaralan bilang emergency evacuation sites lalo na ngayong napipinto nang muli ang pagpapatuloy ng mga klase sa naturang mga paaralan.