Itinaas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang minimum capital requirement para sa mga rural banks bilang bahagi ng pagsisikap na palakasin ang competitiveness ng local banking sector.
Sa inilabas na pahayag ng BSP, sinabi ng bangko sentral na inaprubahan ng Monetary Board na nagtatakda ng patakaran ang mga amendments sa pinakamababang capitalization ng mga rural banks.
Sa partikular, inaprubahan ng Monetary Board ang mga pagbabago sa Seksyon 121 ng Manual of Regulations for Banks (MORB) bilang bahagi ng Rural Bank Strengthening Program (RBSP).
Ang mga bagong “minimum capital levels” ng mga rural bank ay ang mga sumusunod:
P50 milyon para sa punong tanggapan lamang at sa mga may hanggang limang sangay
P120 milyon para sa may anim hanggang 10 sangay
P200 milyon para sa higit sa 10 sangay
Itinakda ng mga naunang regulasyon ang pinakamababang kapital na kinakailangan para sa mga rural bank mula P10 milyon hanggang P200 milyon, depende sa lugar ng operasyon ng mga punong tanggapan at sangay pati na rin ang bilang ng mga branches.