Suportado naman ni 2nd District Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang planong pagtatayo ng karagdagang lima pang Joint Military Use Facilities sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Binigyang diin ni Rodriguez na mahalaga ang EDCA upang mabigyang proteksyon ng bansa ang 200 Exclusive Economic Zone (EEZ) sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ni Rodriguez ang pahayag sa gitna na rin ng sinabi ng Department of National Defense (DND) na nais nitong pabilisin ang $ 66. 5 M mga proyekto sa ilalim ng EDCA.
Nabatid na naghahanap na ang Estados Unidos ng lima pang sites para pagtayuan ng 5 limang karagdagang military facilities sa Pilipinas alinsunod sa itinatadhana sa EDCA.
Una rito, sinabi ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro dalawa sa mga karagdagang pasilidad ay itatayo sa Cagayan at tig-isa naman sa Isabela, Zambales at Palawan.
Samantalang ang konstruksyon ng mga EDCA facilities ay inaasahang magsisimula na sa 2023.
Sa kasalukuyan may limang dating naaprubahang sites ng EDCA na kasalukuyan nang isinasagawa ang konstruksiyon na kinabibilangan ng Antonio Bautista Air Base sa Palawan malapit sa Kalayaan Group of Islands (KIG); Basa Air Base sa Pampanga; Fort Magsaysay sa Nueva Ecija ; Mactan-Benito Ebuen sa Cebu Air Base at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City.
Sinabi din ni Rodriguez na ang pagbisita ni Harris sa bansa ay isang malakas na mensahe sa China na sinusuportan nito ang Pilipinas sa territorial dispute sa West Philippine Sea.
Ayon sa mambabatas, malaking tulong sa Pilipinas ang suporta ng Amerika sa ating sovereign rights sa West Philippine Sea sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea.
Ito ay bilang pagtalima din sa International Arbitral Award noong July 2016.
Ayon kay Rodriguez, consistent din ito sa posisyon ni Pangulong Bongbong Marcos na isulong ang code of conduct sa West Philippine Sea.
Si Harris ang pinakamataas na US official na bumisita sa bansa.
Ngayong araw nagtungo sa Palawan si Harris para dumalo sa ilang mga aktibidad.
Una ng inihayag nito na kaisa ng Pilipinas ang Amerika sa paninindigan nito na mapanatili ang freedom of navigation sa pinag aagawang teritoryo ang West Phil Sea.
Tutulong din ang US sakaling salakayin ang AFP maging ang mga barko at aircraft sa bahagi ng disputed islands.










