-- Advertisements --

Kumpiyansa ang isang mambabatas mula sa Mindanao na hindi pambobola lang ang sinasabi ng Senado na aaprubahan nito ang panukala na amyendahan ang restrictive economic provisions ng Konstitusyon.

Ipinapaalala rin ni Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo, chairman ng House Committee on Muslim Affairs, na umiikli na ang oras ng Senado para aprubahan ang panukalang pagbabago sa Saligang Batas.

Ang reaksyon ng mambabatas ay nag-ugat sa sinabi ng Senado na ipagpapaliban nito ang pagpapasya sa Resolution of Both Houses no. 6 sa pagbabalik ng sesyon sa Abril.

Binanggit pa ni Dimaporo sa pulong balitaan sa Mababang Kapulungan na bukod sa RBH No. 6, may 33 pang mga priority measure na kabilang sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang kailangang talakayin ng Senado.

Ayon kay Dimaporo maaaring gamitin ng Senado ang bakasyon upang matapos ang pagtalakay sa RBH 6.

Dapat na ring malaman ng publiko, ayon pa kay Dimaporo ang tunay na paninindigan ng mga senador kaugnay sa pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.

Binigyan diin naman ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin na mahalagang mapagtibay na ang panukalang pag-amyenda sa economic provision sa lalong madaling panahon.