-- Advertisements --

Hinikayat ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Marcos administration na simulan na ang gas exploration sa West Philippine Sea, partikular sa bahagi ng Recto Bank.

Ayon sa mambabatas, hindi na dapat pansinin pa ng pamahalaan ang protesta ng China dahil tututol aniya talaga ito sa mga exploration kahit hindi naman bahagi ng kanilang teritoryo ang lugar.

Sinabi ni Rodriguez na mahalaga na masimulan ang exploration sa Recto bank sa bahagi ng Palawan dahil sa malaking natural gas deposit nito na higit pa sa Malampaya.

Paalala ng mambabatas na unti-unti nang nauubos ang suplay ng gas sa Malampaya at kapag nangyari ito ay tiyak na tataas ang singil sa kuryente sa Luzon.

Sabi ni Rodriguez, panahon na para mag explore ng gas at langis sa West Philippine Sea at huwag ng hintayin na maubos ang gas sa Malampaya.

Kung nanaisin man aniya ng China na makibahagi sa oil at gas exploration ay maari sila maging sub-contractor.

Ayon kay PNOC-EC president at chief executive officer Franz Alvarez, nais ng ahensya na umusad ang exploration sa Isabela at Palawan ngunit hindi kasama dito ang Recto Bank.

Taong 2018 nang subukang ayusin ng nakaraang Duterte administration ang isang joint exploration agreement kasama ang China nungit ibinasura rin bago bumaba sa pwesto noong Hunyo.

Samantala, tiniyak naman ng Department of National Defense (DND) na mas lalo pa nilang palakasin ang kanilang mandato na protektahan ang teritoryo ng bansa.

Sa kabilang dako, bukas ang Defense department lalo na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa plano mambabatas na bumiyahe patungong Pagasa Island sa West Philippine Sea.