-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Hanggang sa ngayon ay nagmamatigas ang ilang mga nagmamay-ari ng mga establishment na nasira sa sunod-sunod na lindol sa North Cotabato na i-demolish ang mga gusaling hindi na ligtas na gamitin pa.

Napag-alaman na ilan sa mga totally damaged na gusali na pinapa-demolish ay ang Eva’s hotel sa Kidapawan ngunit ayon kay Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista, nakiusap ang may-ari ng building na bigyan pa sila ng ilang linggong extension upang marekober ang mga kagamitang nasa loob ng hotel.

Sa bahagi naman ng South Cotabato partikular na sa Koronadal, nasa 40 gusali sa lungsod ang inirerekomenda ni Mayor Eliordo Ogena na i-demolish dahil sa mga bitak at kalumaan ng mga ito.

Kaugnay nito, isa sa mga problema ng mga City Engineers at Architects na nagsasagawa ng inspeksyon ay hindi sila pinapayagang pumasok sa mga gusali ng mga may-ari kahit na magpakilala pa silang taga-gobyerno.

Dahil dito, nangangamba ang City government na baka malagay sa peligro ang buhay ng mga nakatira o mga empleyado sa loob ng mga gusali.