-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY -Maituturing na hindi ‘bad idea’ ang lumutang na Mindanao Independence kung malinis ang layunin at walang halo na personal interest ang mga personalidad na nagsusulong nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni international law expert Atty. Antonio La Viña na hindi totoong para sa ikabubuti ng Mindanao ang isinusulong ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bagkus ay epekto ito sa hayagang paggalaw ng International Criminal Court laban sa kanyang war on drugs policy na pinapapasok naman ni Presidente Ferdinand Marcos Jr sa bansa.

Sinabi ni La Viña na ilang personalidad lang ang pumapanig kay Duterte para sa layunin nito na kunwari humiwalay ang Mindanao.

Iginiit nito na pinagbiyaan si Duterte ng pagkakataon na mailipat sa pederalismo ang sistema ng gobyerno sa kasagsagan ng kanyang administrasyon kaya hirap na nitong makuha ang tiwala ng mga tao.

Magugunitang matapos bumitaw ng mga masakit na salita si Duterte kay Marcos noong nakaraang araw ay sinundan niya ito ng isyung pagsusulong ng umano’y pag-distansya ng Mindanao mula sa imperial Manila governance.