Nag-iingat ngayon ang Department of Transportation hinggil sa pagtanggap ng mga donasyong plastic card para sa paggawa ng mga driver’s license sa bansa.
Ito ang naging pahayag ng ahensya kasunod ng una nang pagtanggi ng Land Transportation Office sa donasyong 4-million plastic cards ng isang association of medical clinics na tinatayang may katumbas na halaga na Php160-million.
Ayon kay DOTr Sec. Jaime Bautista, hindi maaaring basta-basta na lamang tanggapin ang naturang donasyon sapagkat ito aniya ay posibleng may kapalit na kondisyon.
Posible kasi aniyang mas mataas na medical check up ang maging kapalit nito bagay na hindi na aniya matatawag pang donasyon kung babawiin din naman aniya sa ibang pamamaraan na sila rin ang kikita.
Samantala, gayunpaman ay sinabi rin ng kalihim na sa ngayon ay hinihintay pa ng kanilang ahensya ang magiging opiniyon ng Office of teh Solicitor General hinggil sa usaping ito.
Kasabay nito ay binanggit din ni Sec. Bautista na handa ang National Printing Office at iba pang ahensya ng pamahalaan na suplayan ang plastic cards na kinakailangan ng LTO para sa paggawa ng mga drivers license.
Kung maaalala, noong nakaraang taon natigil ang procurement ng pamahalaan ng mga plastic cards para sa drivers’ license sa bansa.