Hindi minamaliit ng militar ang mga militia ng bayan bagama’t bumaba na ang bilang ng mga armadong miyembro ng New People’s Army (NPA) na kumikilos sa bansa.
Ito ay dahil sa posibilidad na maging armado rin ang mga ito sa panahon ng pangangailangan.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Edgard Arevalo, nasa 7,715 na ang sumuko mula sa 7,728 rebelde na na-neutralize ng militar.
Kabilang dito ang regular na NPA members, militia ng bayan at mga supporters.
Batay sa datos ng AFP, tinatayang 4,000 na lamang ang regular members ng NPA sa buong bansa kung saan 83 na ang napatay sa mga operasyon habang 130 ang naaresto.
Ang datos aniya na ito ay mula January 1 hanggang August 8, 2018.
Hindi naman matukoy ni Arevalo kung tuluyan nang hihina ang puwersa o magkawatak-watak ang communist terrorist group.
Ang importante aniya sa ngayon ay ang dami ng mga sumusuko at nabibigyan ng panibago at maayos ng pamumuhay.
Sa loob din ng walong buwan, 971 na armas o baril ang nakumpiska ng militar mula sa komunistang terorista.
Kasama rito ang 453 high-powered firearms, habang 51 ay low powered firearm.
Umaabot naman sa 341 na improvised explosive device ang narekober ng AFP mula sa teroristang grupo.