-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang pagtugis ng mga sundalo sa mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) matapos ang pagsagawa ng airstrike sa kuta ng mga ito sa Datu Salibo, Maguindanao na nagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkasugat ng limang iba pa.

Ito ang inihayag ni Col. Oriel Pangcog, commander ng 601st Brigade, Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Pangcog, ang pagkapatay kay Sadam Salandang at pagkasugat ng lima pang kasamahan nito na kinilalang sina Samsudin, Muntas, Sanged, Bedoh at Salik ay malaking dagok sa grupo ng mga terorista.

Ngunit ayon kay Col. Pangcog, magpapatuloy ang pagtugis sa mga ito dahil sa hindi rin tumitigil ang mga terorista sa pagsagawa ng karahasan sa Mindanao lalo na ang mga tauhan nina BIFF Commander Kagui Karialan at Abo Turaife.

Napag-alaman na si Kagui Karialan at Abu Toraife ay may kinakaharap sa iba’t-ibang mga korte ng hindi bababa sa 30 na mga kasong kriminal bawat isa.

Matatandaan na isinagawa ang military operation sa lugar dahil sa ulat ng mga residente na nagbabalak ang mga myembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters doon na magsagawa ng mga panibagong pambobomba sa Central Mindanao.

Ang BIFF, lokal na version ng Islamic State of Iraq and Syria, ay responsable sa mga serye ng madugong bomb attacks sa rehiyon mula pa noong 2014.