-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Sisikapin ng militar na pairalin ang mahigpit na seguridad sa probinsya ng Maguindanao upang hindi na maulit pa ang karumal-dumal na Maguindanao Massacre.

Ito ang ipinahayag ni Major Arvin Encinas, tagapagsalita ng Western Mindanao Command (WestMinCom) sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Encinas, may mga nakaantabay na mga sundalo sa mga checkpoints sa nasabing probinsya lalo na sa mga Ampatuan areas upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente.

Kasabay nito, inihayag din ni Encinas na nagsisilbing tourist attraction na sa ngayon ang massacre site sa Sitio Masalay, Brgy. Salkan, sa bayan ng Ampatuan matapos ang promulgation of judgment at siniguro na ligtas na ito sa mga gustong pumunta doon.

Samantala, ikinatuwa din ng militar na nabigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng 58 mga biktima matapos ang 10 taong paghihintay.