CENTRAL MINDANAO-Sumuko na habang hindi pa huli ang lahat,magbagong buhay at tutulungan pa kayo ng gobyerno.
Ito ang panawagan ni 602nd Brigade Commander Bregadier General Roberto Capulong na nakabase sa Camp Lucero sa Carmen North Cotabato sa New Peoples Army (NPA) at samantalahin na ang magandang programa ng pamahalaan.
Kasunod ito ng pagkasawi ng mataas na lider ng NPA na si Zaldy Gulmatico Pulido alyas Kumander Cobra Secretary ng Guerilla Front Committee 53 ng Southern MIndanao Regional Committee (SMRC).
Ayon kay Capulong, tinatayang nasa 20-30 regular members ni Kumander Cobra ang nakatakas matapos ang nangyaring operasyon sa pagitan ng militar at Guerilla Front 53 sa Sitio Rudson Brgy Arakan Matalam Cotabato.
Nagpapatuloy naman ang clearing operation ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion Philippine Army at 62nd Recon Company sa Sito Rufson.
Dagdag ng opisyal na ligtas na ring makabalik sa kani-kanilang mga tahanan ang mahigit 50 mga pamilya na nauna nang naipit sa gulo.
Binigyang diin ni Capulong na maraming programa ang gobyerno ang nakahanda sa mga rebeldeng nais magbalik loob sa pamahalaan.
Isa rin sa tinututukan ngayon ng 602nd Brigade ay ang programang Ending Local Communist Armed Conflict o ELCAC lalo sa mga barangay na sakop ng kanilang AOR na may natitira pa ring mass base supoorters. Sinabi rin ni Capulong nananatiling stronghold area ng NPA sa North Cotabato ay ang mga bayan ng Arakan, President Roxas at Magpet Cotabato.