-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nakaalerto ang mga sundalo at mga kasapi ng pambansang pulisya ng Pilipinas kaugnay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng New Peoples Army (NPA) ngayong araw.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Maj. Rigor Pamittan, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army na bagamat humihina na ang mga NPA ay nakaalerto pa rin ang mga sundalo sa kanilang anibersaryo ngayong araw.

Bukod sa mga sundalo ay nakaalerto rin ang kapulisan dahil may mangilan ilan pa ring rebelde na maaring maghasik ng lagim para iparamdam ang kanilang presensya.

Ito ay matapos magkaroon ng labanan sa pagitan ng mga sundalo at rebeldeng pangkat sa lalawigan ng Kalinga at Cagayan.

Batay sa kanilang monitoring ay paunti na ng paunti ang bilang ng mga rebelde at umaasa silang sumuko na sila sa pamahalaan para makabalik na sa kanilang pamilya.