Hindi pa rin umano nagmamaliw ang interes ni dating four division world champion Mikey Garcia na siya ang mapipili para sa susunod na title defense ni Pinoy legend Sen. Manny Pacquiao.

Ito’y kahit hindi kabilang ang Mexican-American boxer sa mga pinagpipilian ng kampo ni Pacquiao para sa kanyang comeback sa ibabaw ng boxing ring.

Pero ayon kay Garcia, kailangan niya munang dominahin ang nakatakda nitong laban kay two division champion Jessie Vargas upang lumaki ang kanyang tsansa.

“I would love that fight. I think the fans would really enjoy a fight like that as well. But I gotta to earn it, I have to get something behind that as well. If that fight is available, then I’m definitely going to jump on the opportunity,” wika ni Garcia sa isang panayam.

“I just can’t be waiting and waiting and waiting, I gotta get in the ring. If that match is presented to me, I will try to push as hard as I can to secure that fight.”

Nakatakdang magharap sa isang welterweight showdown sa Texas sa buwan ng Marso sina Garcia at Vargas, na dati nang nakalaban ng “Fighting Senator.”

Una nang lumutang ang pangalan ni dating two-division world champion Danny Garcia bilang top contender upang sunod na harapin ni Pacquiao.

Ngunit sinabi ni MP Promotions president Sean Gibbons, dapat daw munang magwagi si Garcia sa laban nila ni Ivan Redkach ng Ukraine sa darating na Enero 25 upang maselyuhan ang kasunduan.