-- Advertisements --
cryptocurrency

Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) laban sa online illegal recruitment scheme kung saan dinadala ng mga Chinese companies ang mga marerecruit na mga Pilipino sa remote o malayong lugar sa Myanmar para magtrabaho bilang bitcoin scammers.

Inisyu ni Migrant Workers Secretary Susan Ople ang naturang abiso matapos na makipagkita sa 12 Pilipinong nasagip na nabiktima ng Chinese call center na nakabase sa malayong lugar sa Myanmar na malapit sa border ng Thailand.

Ayon sa salaysay ng mga biktima, narecruit sila sa pamamagitan ng social media at pinangakuan ng buwanang sahod na Php 40,000 para sa anim na buwan na pagtratrabaho bilang data encoders, customer service relations at technical support staff sa Thailand.

Subalit napunta ang mga ito sa isang techno park sa remote area ng Myanmar na inabot anya ng walong oras bago nila narating ang lugar.

Nang makarating ang mga ito sa lugar, binigyan ng instruction ang mga ito sa wikang chinese na isinalin sa English para maintindihan ng mga ito.

Inutusan aniya sila na gumamit ng dating application at iba pang social media platforms para maghanap ng posibleng bitcoin investors.

Samantala, ipinag-utos na ni Ople sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na attached agency nito na magbigay ng financial assistance na Php 10,000 sa bawat biktima.