Kapwa binabantayan at minomonitor ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga local terrorist group na posibleng maglunsad ng pag-atake bilang simpatiya sa lalong umiinit na tensiyon sa pagitan ng US at Iran.
Ito’y kasunod ng pagkakapatay ng US kay Iranian General Qassem Soleimani.
Ayon kay PNP officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa, pinaigting nila ang kanilang intelligence network upang maiwasan ang anumang planong sympathy attack sa bansa.
Aminado si Gamboa na may mga “fanatiko” talaga kaya ito ang kanilang binabantatayan.
Aniya, may ginagawang profiling ang PNP sa mga grupong maaaring maglunsad ng mga retaliatory attacks.
Gayunman, walang namomonitor ang PNP na banta sa Pilipinas na may kaugnayan sa US-Iran tension.
Wala ring namonitor na banta ang PNP na posibleng maglunsad ng panabotahe sa Traslacion 2019.
“Well there are also security concerns kasi siyempre meron sympathetic either by race or ideology so the PNP is profiling possible threats, possible groups who may take advantage or sympathatize so our intelligence monitoring will be continous up until medyo luminaw na yung problema doon sa middle-east,” ani Gamboa.
Sa panig naman ni AFP chief of staff Lt. Gen. Filemon Santos, wala rin silang namonitor na grupong konektado sa Iran na maaaring maghasik ng pag-atake.
Gayunman, pinalakas nila ang kanilang intelligence monitoring at nakahanda na ang kanilang C-130 planes at mga barko sakaling kailangan nang ilikas ang mga Pilipino roon.
Naghihintay na lamang ng go signal ang AFP mula sa Malacanang at Department of Foreign Affairs para sa deployment ng mga assets.
Sa ngayon, pinag-aaralan nila ang mga strategies na gagawin kung paano ma evacuate ang mga Pinoy na nasa Iran at Iraq.










