Life goes on para kay Michele Gumabao sa kabila ng kabiguang masungkit ang korona sa first ever Miss Universe Philippines (MUP) pageant.
Ayon sa 28-year-old athlete mula Quezon City, ito ay dahil sa kanyang edad kaya itutuon na lamang ang atensyon sa kanyang mga negosyo.
Nakatakda rin daw siyang maglabas ng formal statement para tuldukan na ang isyung bumalot sa kanya bunsod ng nakamit lamang na second runner-up, gayong isa siya sa mga umugong na paboritong manalo bilang sunod na kinatawan ng bansa sa Miss Universe.
Maging ang aktor at nakababata nitong kapatid na si Marco Gumabao ay inaming hindi tanggap ang resulta ng MUP coronation pero hindi rin ito ang panahon para maging bitter kaya binabati niya ang kanyang ate.
Ngayong araw ay ang unang event ng Top 5 sa Miss Universe Philippines na idinaos sa Manila Child Center, Sampaloc, Manila.
Kabilang dito si Gumabao, gayundin sina Miss Paranaque Ysabella Roxas Ysmael (first runner-up), Miss Bohol Pauline Amelinckx (third runner-up), Miss Cavite Billie Hakenson (fourth runner-up), at ang Miss Universe Philippines mula Iloilo na si Rabiya Mateo.
Kung maaalala, si Gumabao ay minsang naging “binibini” candidate at naging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Globe 2018 kung saan siya ay nagtapos sa Top 15.