-- Advertisements --

Muling sisilipin o pag-aaralan ng Manila International Airport Authority ang mga kontrata nito sa pest control at housekeeping units matapos ang magkahiwalay na insidente ng surot at dagang naispatan sa Ninoy Aquino International Airport.

Ayon kay MIAA Head Executive Assistant Chris Noel Bendijo, ipinag-utos na ng kanilang general manager ang pag-review ng mga kontrata para sa posibleng lapses o kapabayaan sa tungkulin ng service provider para sa paglilinis sa paliparan. Pinaalalahan din ng mga ito ang food concessionaires na panatilihing ang kalinisan sa paliparan kasunod ng nasabing mga insidente.

Ipinaliwanag naman ng MIAA official na hindi madali na palitan ng basta na lamang ang service provider dahil mayroong bidding process na sinusunod gaya ng ginagawa sa procurements ng pamahalaan.

Saad pa ng opisyal na babalangkas sila ng isang partikular na action plan sa Lunes para masigurong hindi na mauulit pa ang naturang mga insidente.

Una rito, ilang mga pasahero sa NAIA Terminal 2 ang nagreklamo online matapos na makagat ng bed bugs o surot sa isa sa mga bench sa departure area.

Sa hiwalay namang insidente ilang araw lamang ang nakalipas, naispatan naman at nakuhanan ng video ng ilang pasahero ang isang daga sa kisame ng Terminal 3.