-- Advertisements --
image 38

Ipinag-utos ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pagpapatupad ng “no pocket policy” para sa security personnel sa may Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos arestuhin ang airport pesonnel na sangkot sa pagnanakaw.

Kung magugunita, nitong nakalipas na araw, inaresto ng Office for Transportation Security (OTS) ang isa sa kanilang security screening officers matapos mahuling nagnanakaw ng relo mula sa isang biyaherong Chinese national.

Habang nitong linggo lamang din, dalawa pa sa personnel ng Office for Transportation Security ay humaharap din sa kaparehong reklamo matapos na mahuling nangingikil naman ng pera mula sa isang turistang Thai national.

Ayon kay MIAA General Manager Cesar Chiong, ang naturang mga kaso ng theft ay nagbunsod para sa striktong pagpapatupad ng service standard policies ng paliparan kabilang na ang pagbabawal sa kanilang security personnel na huwag makipag-interact ng direkta sa kanilang mga pasahero mula sa pagdadala ng bags sa kanilang area of assignment gayundin ang no pocket policy para sa uniporme at jackets ng mga airport personnel.

Ipinag-utos din ng opisyal ang paglalagay ng karagdagan pang camera maliban pa sa screening machine sa transit area ng Terminal 2 at pagtanggal ng film na nakaharang sa glass panels para sa transparency ng security screening procedures.