Binigyan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ng ultimatum ang housekeeping at pest control service providers na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na pagbutihin ang kanilang serbisyo o kung hindi ay ilalagay na ang mga ito sa blacklist.
Ginawa ni MIAA General Manager Eric Ines ang naturang pahayag kasabay ng pakikipagpulong nito sa mga terminal administrator, service contractors at health experts mula sa Bureau of Quarantine maging sa medical division ng MIAA kung saan muling sinilip ang kasalukuyang kalagayan ng sanitation services sa lahat ng 4 na terminals ng paliparan.
Ito ay kasunod na rin ng kamakailang pagkakadiskubre ng mga surot sa mga upuan at daga sa kisame ng NAIA na nakuhanan pa ng video ng ilang pasahero.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya sa insidente ang MIAA official at nagbabala sa service contractors kaugnay sa accountability clauses sa kanilang service agreements sa MIAA na karamihan dito ay magpapaso na ngayong taon.
Sa isinagawang pagpupulong din, inatasan ang mga kontraktor na magsumite ng weekly at monthly commitments para sa kailangang mga dapat na gawin.
Nangako naman ang mga contractor na pagiibayuhin nito ang kanilang surveillance at disinfection, magdaragdag ng manpower para matiyak ang pagtugon sa mga isyu at irerekomenda ang work program para sa mas pinabuting cleaning at disinfection methods.
Nakatakda namng makipagkita si Ines ngayong linggo sa heads ng concessions sa loob ng NAIA para suriin ang kanilang monitoring schedule ng business concessions at epektibong pagpapataw ng mga unitive measures laban sa mga lumabag sa terms and conditions sa kanilang kontrata sa MIAA.