Itinanggi ng ilang mga world leaders ang mga inilabas ng Pandora Papers na sila ay sangkot sa korapsiyon.
Kabilang na rito sina Russian President Vladimir Putin, King Abdullah II bin Al-Hussein ng Jordan at Azerbajian President Ilham Aliyev.
Ang nasabing mga personalidad ay kabilang sa 35 na kasalukuyan at dating mga lider na sangkot umano sa anomalya.
Sinabi ng hari ng Jordan na wala itong anumang pag-aari sa ibang bansa gaya ng lumabas sa imbestigasyon na mayroon itong nabiling lupain sa US at United Kingdom na nagkakahalaga ng mahigit $100 milyon mula ng maupo sa puwesto noong taong 1999.
Kinukuwestiyon naman ni Kremlin spokesperson Dmitry Peskov ang kredibilidad ng mga impormasyon ng nasabing Pandora matapos na ibunyag na mayroong tagong yaman si Putin.
Ilan pa sa mga nabanggit na pangalan ay sina Czech Prime Minister Andrej Babis na nakabili raw ng dalawang bahay umano sa France habang ang anim na kaanak ni Kenyan President Uhuru Kenyatta ay pag-aari umano nila ang 13 offshore companies.
Inakusahan naman ang pangulo ng Chile na si Sebastian Pinera na nagbenta ng mga copper at mga bakal sa minahan.
Tiniyak naman ni Pakistan Prime Minister Imran Khan na kaniyang papaimbestigahan ang ibinunyag ng Pandora Papers.
Magugunitang ibinunyag ng Pandora Papers ang halos 12 milyong documents at files na nagbubunyag sa mga sekretong yaman at negosyo ng ilang mga world leaders, politicians at mga bilyonaryo.
Inilabas ng International Consortion of Investigative Journalist sa Washintong DC ang nasabing data.
Binubuo ng nasa 600 journalists mula sa 117 bansa ang kasama sa pananaliksik.
Inilabas ng Pandora Papers ang 6.4 milyon na dokumento, halos tatlong milyong imahe at ilang milyong emails at kalahating milyong mga spreadsheets kung saan sangkot maraming opisyal ng iba’t ibang bansa.