LEGAZPI CITY – Aabot sa mahigit 1,000 sako ng palay ang nabasa mula sa iba’t ibang warehouse ng National Food Authority (NFA) sa Bicol matapos na pasukin ng malakas na ulan noong kasagsagan nang pananalasa ng Bagyong Tisoy.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay NFA Bicol Director Henry Tristeza, sinabi nitong nagawang mabuksan ng malakas na hangin ang “skylight” o transparent na yero ng NFA warehouse sa Tabaco City kaya’t pinasok ng tubig ulan ang unang layer ng dalawang kamada ng palay.
Nabatid na umaabot sa 15,000 hanggang 20,000 sako ng palay ang nakatambak sa isang kamada.
Susuriin naman ang aflatoxin level ng nabasang palay kung ligtas pang gawing pagkain ng mga hayop ang mga ito dahil kung hindi ay gagamitin na lang itong abono.
Inaalam na rin kung may nabasa ring bigas sa bodega ng NFA Legazpi matapos namang masira ang main door nito.
Wala namang naitalang danyos sa mga bodega ng Masbate at Catanduanes.
Pahirapan lamang aniya sa ngayon ang pagpaparating ng ulat sa main office at Government Service Insurance System (GSIS) dahil sa kawalan ng kuryente.
Nalubog kasi aniya sa baha ang kanilang generator na kaya ito nasira.
Samantala, umabot na sa 17,029 sako ng bigas ang nailabas ng NFA para sa relief distribution sa mga apektado mula umaga noong Disyembre 1.