-- Advertisements --

Muling nilinaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na hindi aarestuhin ang mga unvaccinated individuals laban sa Covid-19 bagkus sila ay pauuwiin lamang.


Ayon sa kalihim ang layon ng mga itinayong mga checkpoints na minamandohan ng mga kapulisan at barangay officials ay para limitahan ang galaw ng mga unvaccinated individuals dahil sa pagsirit ng Covid-19 infections na dulot ng Omicron variant.

Sinabi ng kalihim para duon naman sa magre-resist at magpupursige pa rin ay sapilitang iuuwi ng mga otoridad.

Sa isang resolution ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga unvaccinated individuals ay dapat manatili sa kanilang mga tahanan pwera na lamang para sa pagbili ng kanilang essential goods and services, gaya ng pagkain, tubig, medical services, public utilities, at trabaho.

Binigyang-diin ng kalihim kung hahantong man sa pag aresto laban sa mga unvaccinated individuals ito ay naaayon sa batas at magiging last resort na ng mga otoridad.

Nagbabala din ang kalihim para duon sa mga may hawak na pekeng vaccination cards na sila ay maaring arestuhin at sampahan ng kaso.

Samantala, ayon kay Ano batay sa datos ng PNP nasa 85 areas sa bansa ang nasa granular lockdown – 76 dito sa National Capital Region, lima sa Mimaropa, dalawa sa Cagayan Valley, at isa sa Ilocos at Cordillera Administrative Region.