BOMBO DAGUPAN -Bagamat sanay na umano ang mga residente ng Israel sa pagpapasabog ng mga bomba ng mga terorista, maituturing umanong bago sa kanilang karanasan ang muling pagsiklab ng gyera sa kasalukuyang pagkakataon.
Ito ay base sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kina Sally Macadini at Riezl Marianito, ang Bombo International News Correspondent sa Israel.
Ibang-iba aniya ang kanilang karanasan sa kasalukuyan kung ikukumpara sa mga naunang pagkakataon na sumiklab ang kaguluhan sa naturang bansa dahil noong nakaraang Sabado, Oktubre 7, kung saan unang umatake ang grupong Hamas ay wala silang natanggap na warning mula sa militar na palagi naman umano nilang ginagawa sa tuwing may naitatalang pag-atake.
Patunay lamang umano ito na ang panggugulo ng Hamas ay biglaan.
Isinakto pa umano ng mga terorista ang paglusob sa kasagsagan ng mahimbing na tulog ng mga residente.
Ito rin anila ang unang pagkakataon na makapasok ang mga rebelde sa lupain ng Israel.
Ibang lebel anila ang naidulot nitong takot sa mga residente lalo na sa mga kalapit na lugar ng Gaza at kahit pa nasa loob na sila ng bomb shelter, alam nilang hindi sigurado ang kanilang kaligtasan.
Dagdag pa ng mga ito na pinapasok na rin umano ng mga rebelde ang bomb shelters kung saan nagpapanggap umano ang mga itong sundalo ng Israel at pinapasok ang bawat bahay.
Pagkatapos ay pagbabarilin ng mga rebeldeng ito ang bawat pamilyang kanilang madatnan sa bawat bahay habang ang iba ay kanilang kini-kidnap.
Sa kasalukuyan ay nag-iikot na rin umano ang Israel Defense Forces (IDF) sa bawat bahay upang ilikas ang mga pamilyang naninirahan sa Kibbutz na malapit sa Gaza.
Saad nito na tatlo silang Pilipino na kabilang sa mga inilikas at sa ngayon ay malayo na ang kanilang kinalalagyan sa Gaza.
Matatandaang itinaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa alert level 4 sa Gaza City, nangangahulugang mandatory na ang paglikas para sa mga Plipino doon ngunit saad nina Macadini at Marianito, mas pipiliin pa rin nilang manatili sa Israel dahil hindi naman sila nakasisiguro kung mayroong trabahong naghihintay.