-- Advertisements --

Nangako si Speaker Alan Peter Cayetano na isisiwalat ang mga personalidad na kumikilos para matiyak na mabigo ang hosting ng bansa ng ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games.

Sa ambush interview sa San Juan City kaninang umaga, sinabi ni Cayetano na sinabihan siya na mayroong isang “operation” na binuo para lamang magpakalat ng “fake news” hinggil sa SEA Games hosting ng Pilipinas.

Nagkaroon pa nga aniya ng tangka na suhulan ang ilang media outlets matiyak lamang na mailimbag ang mga maling impormasyon na ito.

Sinabi ni Cayetano na mayroon silang sariling analutics at metrics system kung saan na-monitor nila ang apat hanggang limang websites ang paulit-ulit na nagtatapon aniya ng mga fake news.

“Even ilan sa mga media, umamin na sa amin na may umaagos na pera para siraan ang SEA Games. I don’t know [how much] because these were just told to me by close friends and they told me, buti na lang walang tumatanggap kasi for the country ito,” dagdag pa nito.

Si Cayetano ang chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), isang pribadong foundation na tumatayong punong abala sa regional biennial games.