Kinumpirma ngayon ng Department of Justice (DoJ) na sinampahan na ng kasong murder at frustrated murder sa Olongapo City Regional Trial Court (RTC) ang itinuturong utak at mga suspek sa pagpatay sa negosyanteng si Dominic Sytin ng Olongapo City.
Ayon kay DoJ Usec. at Spokesperson Markk Perete, kinumpirma umano ng National Prosecution Service (NPS) ng kagawaran na nakitaan ng probable cause para sampahan ng kaso si Dennis Lim Sytin sa nakatatanda nitong kapatid na si Dominic noong Nobyembre 28, 2018.
Kasunod ito ng inilabas na resolusyon ng DOJ Panel of Prosecutors sa kasong isinampa ng Olongapo City-Police laban sa negosyanteng si Dennis Sytin kaugnay ng pagpatay sa nakatatanda nitong kapatid na si Dominic Sytin noong November 28, 2018.
Sa 56-pahinang resolusyon na pirmado nina Senior Asst State Prosecutor Juan Pedro Naverra at ng tatlo pang miyembro ng panel, kabilang din sa mga kinasuhan sina Ryan Rementilla alyas Oliver Fuentes na nagpakilala sa gunman sa itinuturong mastermind at ang self-confessed gunman na Edgardo Luib dahil sa pagpatay kay Dominic Sytin.
Kinasuhan din ng frustrated murder sa Olongapo RTC ang tatlo dahil naman sa bigong pagpatay sa bodyguard ni Dominic na si Efren Espartero.
Nai-raffle ang kaso sa sala ni Judge Richard Paradeza ng Olongapo RTC.
Ang biktimang si Dominic Sytin ay founder at CEO ng United Auctioneers Inc.
Binaril-patay ang biktima sa harap ng Lighthouse Hotel sa Subic Bay Freeport Zone.