BUTUAN CITY – Naniniwala si Pol. B/Gen Gilberto DC Cruz, regional director ng Police Regional Office (PRO)-13, na madadagdagapan pa ang apat na ex-convicts na nabigyan ng kalayaan gamit ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law, na sumuko sa iba’t ibang police units sa Caraga.
Ito’y habang hindi pa natatapos ang ibinigay na 15 araw na ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa daan-daang nag-avail sa nasabing batas.
Napag-alamang nadagdagan pa ng dalawa ang una nang sumukong sina Terencio Funesto, 51-anyos na residente ng Purok 2-B, Barangay Pigdaulan nitong lungsod, atna-detain sa Davao Penal Colony matapos masentensyahan sa kasong rape; at Adrian Agao, 40-anyos na residente naman ng Barangay Poblacion sa bayan ng Barobo, Surigao del Sur, na nabilanggo sa Cebu City dahil sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni General Cruz na hinihintay na lamang nilang matapos ang ginawang documentation sa mga sumuko upang pormal na silang mai-turn over sa Bureau of Corrections.
Aalamin pa ng opisyal kung ilan sa kabuuang bilang sa mga nabigyan ng GCTA ang taga-Caraga Region upang mas matutukan nila ito ng maigi lalo na sa mga kaukulang police units.
Samantala, kampante naman ang opisyal na ini-enjoy lang ng iba ang kanilang kalayaan habang hinihintay ang nalalabing araw nila sa labas ng bilangguan dahil sa patapos ng deadline.